-- Advertisements --

Napatay ang isang sundalo at 6 na hinihinalang rebelde ng New People’s Army (NPA) sa bakbakan sa Balayan, Batangas nitong Linggo ayon sa kumpirmasyon mula sa Philippine Army (PA).

Sa isang pahayag, sinabi ng PA na ang mga pwersa ng 59th Infantry “Protector” Battalion, Philippine Navy, at Philippine Air Force ay nagsasagawa ng mga combat operation sa Barangay Malalay nang makasagupa nila ang hindi matukoy na bilang ng mga hinihinalang tropa ng NPA na nagresulta sa sagupaan.

Naniniwala ang militar na mga miyembro ito ng SPP o Sangay sa Partido sa Platoon Kawing mula sa Sub-Regional Military Area 4C ng Southern Tagalog Regional Party Committee.

Sinabi ng PA na nasamsam ng mga sundalo ang mga rifle, shotgun, at ilang mga dokumento at tinutugis ang mga hinihinalang rebelde na nakatakas.

Nagpaabot naman ng pakikiramay si Defense Secretary Gilbert Teodoro sa naulilang pamilya ng napatay na sundalo.

Samantala, 3 iba pang sundalo ang nasugatan at agad na inikas para magamot mula sa natamong injury sa naturang engkwentro. – EVERLY RICO