CENTRAL MINDANAO-Isa ang nasawi at labing dalawa ang nasugatan sa bumaliktad na military truck sa lalawigan ng Maguindanao.
Nakilala ang nasawi na si Corporal Mitra Anthony Sucaldito at sugatan naman sina PFC Neil Patrick Ingreso (driver), Cpl. Jared Sugagil, Cpl. Joel Lagos, Cpl. Marvin Gatchalian, Cpl. Robert De Asis, Cpl. Ian Campo redondo, Cpl. Jordan Cellio, PFC Jesrel Ambat, Cpl. Ryan Ignacio, PFC Harve Fabro, Aivan Figueroa, at Cpl. Cedrick Javares,mga miyembro ng Marine Battalion Landing Team (MBLT-2).
Ayon sa ulat ng Sultan Kudarat PNP na lulan ang mga biktima sa KM450 Military truck mula sa kanilang kampo patungong Pigcawayan North Cotabato para mamalengke.
Ngunit pagsapit ng mga sundalo sa Brgy Alamada Sultan Kudarat Maguindanao ay biglang pumutok ang gulong ng military truck at hindi na makontrol ng driver kung saan tuluyang itong bumaliktad sa gilid ng national highway.
Patay on the spot si Cpl Sucaldito na naipit sa military truck at 12 sa kanyang mga kasamahan ang nasugatan.
Mabilis na nagresponde ang ambulansya ng Pigcawayan Municipal Health Office at Sultan Kudarat LGU at dinala sa pinakamalapit na pagamutan ang mga nasugatan na sundalo.
Sa ngayon ay nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Sultan Kudarat Maguindanao PNP sa naturang pangyayari.