(Update) Hiniling ngayon ng pamunuan ng 1st Infantry Division na hindi muna ilalabas ang pangalan ng nasawing sundalo sa nangyaring pagsabog sa Lanao del Sur.
Ayon kay 1st ID spokesperson Capt. Clint Antipala may protocol kasi silang sinusunod na sa loob ng 24 oras hindi muna ilalabas ang identity ng isang casualty dahil ipapaalam una sa pamilya.
Habang nagsasagawa ng combat operations ang mga tropa ng 55th Infantry Batallion sa may bahagi ng Madalum, Lanao del Sur sumabog ang isang improvised explosive device (IED) kahapon ng umaga kung saan nasawi ang isang sundalo habang apat ang sugatan.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay 1st Infantry Division spokesperson Capt. Clint Antipala kaniyang sinabi na habang patungo sa kanilang target ang mga sundalo bigla na lamang sumabog ang isang IED.
Agad namang nag-request ng air evacuation ang mga sundalo para i-evacuate ang mga sugatan kaya lumipad ang chopper ng Phil. Air Force (PAF).
Pero dahil sa hindi maganda ang panahon nag-emergency landing ang helicopter.
Ayon kay Antipala, isa sa mga crew ng chopper ay sugatan din, habang okay ang kondisyon ng iba pang crews.
Nagpaabot naman ng pakikiramay si 1st ID commander Maj. Gen. Gene Ponio, sa pamilya at mga kaibigan ng nasawing sundalo.
Sinabi ni Ponio ginawa nila ang lahat para mailigtas ang kritikal na sundalo pero nangyari ang aksidente.
Siniguro ng heneral na makukuha ng mga kamag-anak ang lahat ng benepisyo at ang pinansiyal na tulong ay ibibigay sa immediate family nito.
Ayon kay Antipala, nasa stable condition na ngayon ang apat na sundalo at maging ang isang air force personnel.
Sa ngayon sini-secure pa rin ng militar ang lugar kung saan nag emergency landing ang chopper.