NAGA CITY – Pinaputukan at tinutukan pa ng baril ng isang sundalo ang isang sibilyan sa San Antonio Poblacion, Calabanga, Camarines Sur dahil sa suot nitong camougflage pants.
Batay sa nakalap ng impormasyon ng Bombo Radyo Naga, napag-alaman na napikon umano ang suspek na si PFC Jayson Azañes, 31-anyos, aktibong miyembro ng Philippine Army at nakadestino sa 25IB, 10th Infantry Division, Davao De Oro, residente ng Barangay Camuning, sa nasabing bayan.
Nakita umano kasi nito ang dalawang indibidwal at ang isa ay nakasuot ng camouflage pants sa loob ng isang karinderya.
Kinompronta pa umano ni Azañes ang lalaki at tinanong kung miyembro ito ng tropa ng pamahalaan ngunit hindi umano ito naniwala sa naging sagot ng biktima.
Dahil dito, kinuha at pinaputok umano ni Azañes ang dala-dala nitong caliber .45 na baril at pilit na pinahuhubad sa biktima ang nasabing pantalon.
Samantala, habang nangyayari ang insidente, agad naman na nagreport sa mga awtoridad ang mga nakasaksi sa insidente dahilan upang agad naman na rumesponde ang mga personahe ng Calabanga Municipal Police Station sa lugar.
Kaugnay nito, nakumpiska naman ng mga awtoridad sa suspek ang baril nito na loaded pa ng walong bala at basyo ng bala na nagpapatunay na pinaputok nito ang nasabing baril.
Sa ngayon, nasa kustodiya na ng mga awtoridad si Azañes para sa karampatang disposisyon.