CEBU – Ginunita ng lokal na pamahalaan ng lungsod ng Naga, probinsiya ng Cebu ang unang anibersaryo ng tinaguriang killer landslide sa siyudad.
Pinangunahan ng Naga LGU ang isinagawang misa kung saan dinaluhan ito ng mga lokal na opisyal ng lungsod at ng mga pamilya ng mga namatay.
Pagkatapos naman ng misa ay nagkaroon ng salo-salo ang ilan sa mga pamilya na biktima ng nasabing kalamidad.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cebu kay Reyna Alberto, sinabi nitong parang kasama pa rin nila ang kanyang dalawang pamangkin na sina Bianca at Michael Versales dahil masakit umano sa kalooban kung iisipin ng pamilya na patay na ang mga ito.
Aniya, kahit isang taon na ang nakalipas ay sariwa pa rin sa kanilang mga alaala ang nangyaring landslide.
Giit nitong mananatili sa kanilang puso’t isipan ang alala ng kanilang mga yumaong kamag-anak.
Sina Bianca at Michael Versales ang kasama sa mga casualty kung saan nakuha ng mga rescuer ang bangkay ng dalawa na diumanoy magkayakap pa ang magkapatid.
Kung maalala, Setyembre 20 pasado alas 5 ng umaga sa nakaraang taon ay ginising ng malawak na pagguho ng lupa ang mga taga Sitio Sindulan, Barangay Tinaan, lungsod ng Naga kung saan kumitil ng 76 na buhay at 6 ang missing.
Sa ngayon ay nagpapatuloy pa rin ang kaso laban sa APO Land and Quarry Corp., ang cement company na tinuturong dahilan ng nangyaring landslide.