ROXAS CITY – Patay ang isang taong gulang na batang lalaki matapos itong maiwan sa nasusunog na bahay, sa Oakwood Subdivision, Barangay Mongpong, Roxas City, pasado alas-8 kagabi ng Lunes.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Patrick Denobo, 20 taong gulang, ama ng biktima na si baby ‘Peter’ sinabi nito na iniwan niyang tulog sa kanilang bahay ang kanilang anak upang sunduin ang live-in partner na si Maricar Bensing, labing siyam na taong gulang, sa isang computer shop, sa kanilang labasan.
Ngunit 15 minuto ang nakalipas sa kanilang pag-uwi, tinutupok na ng apoy ang kanilang bahay at hindi na nagawang isalba ang kanilang natutulog na anak.
Sinasabing, walang kuryente ang naturang bahay na gawa sa light materials, at naiwang nakasindi ang kandila na pinatong sa plastic container, bago umalis ang mister upang sunduin ang kanyang maybahay.
Samantala, sa panayam naman ng Bombo Radyo kay Fire Officer 3 Albert Amago, fire and arson investigator ng Roxas City Fire Station, kinumpirma nito na napabayaang kandila ang naging sanhi ng apoy.
Tinatayang tatlong libong piso ang pinsala ng nasunog na bahay na gawa sa light materials.
Sinasabing nakatakdang binyagan si baby ‘Peter’ ngayong taon.