-- Advertisements --

KALIBO, Aklan – Ikinatuwa ng Boracay Inter-Agency Task Force (BIATF) ang positibong pagtanggap ng mga residente at turista sa nakitang pagbabago sa isla sa nagpapatuloy na rehabilitation effort ng pamahalaan.

Ito ay kasunod ng isang taong anibersaryo ng Boracay closure kahapon, Abril 26.

Ayon kay Boracay Inter-Agency Rehabilitation Management Group (BIARMG) General Manager Natividad Bernandino, mas maraming turista ang nagpahiwatig na bibisita sa isla kasunod ng mga promotion na ginagawa ng Department of Tourism (DoT).

Kaugnay nito, “manageable” aniya ang carrying capacity mula nang buksan ang isla sa publiko noong Oktubre 28.

Mahigpit din aniya na ipinapatupad ng inter-agency ang rules and regulation na layuning ma-sustain at ma-maintain ang nagpapatuloy na rehabilitasyon na inaasahang matatapos sa 2020.

Samantala, nasa 13,000 na mga displaced workers na ang nakabalik sa kanilang mga trabaho sa Boracay.

Patunay lamang umano ito na balik na sa normal ang negosyo sa isla.

Maalalang mahigit sa 17,735 workers mula sa mga establisyimento at nasa 2,005 informal sector workers ang naapektuhan ng pagpasarado sa Boracay sa loob ng anim na buwan noong 2018.