Naharang ng mga tauhan ng Quezon Police Provincial Office ang tatlong van na naglalaman umano ng isang toneladang iligal na droga sa ikinasang checkpoint sa may bahagi ng National Highway, Brgy. Comon, Infanta, Quezon bandang alas-4:00 kaninang madaling araw.
Ayon kay Quezon Police Provincial Director P/Col. Joel Villanueva, hindi bababa sa 10 ang naaresto na sakay ng tatlong van.
Sinabil ni Col. Villanueva, nakipag ugnayan aniya sa kanila ang mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI) hinggil sa mga nabanggit na kontrabando kaya’t nagkasa sila ng checkpoint operation.
Agad namang naitinurn over ng Quezon Police sa NBI Rizal ang mga naaresto gayundin ang mga nasabat na kontrabando.
Dahil dito, agad namang nakipag-ugnayan si Vice-Mayor L.A. Ruanto na ngayon ay nagsisilbing acting Mayor ng Infanta sa NBI at PNP upang mas mapaigting pa ang pagtunton sa source at pagdadagdag ng additional personnel para makatulong sa pagsawata ng mga ganitong Krimen.
Nanawagan din si Vice-Mayor sa mga Infantahin na maging mapagmatyag sa kanilang mga komunidad.
Kung may mga impormasyon at kaalaman upang matunton ang pinanggagalingan ng ganitong mga kontrabando, ipagbigay alam agad sa ating mga otoridad.
Ayon sa Vice Mayor, malaki ang posibilidad na mula sa karagatan ng Pacifico ay dinala ito sa pampang ng Infanta at kaninang madaling araw ay tinangkang ipuslit ito palabas ng Quezon.
Iniimbestigahan na ngayon PNP at PDEA kung saan nanggaling at ang source ng mga nasabing iligal na droga.