-- Advertisements --

TUGUEGARAO CITY – Unti-unti nang bumabalik sa normal ang buhay ng mga Ivatan partikular na ang mga nakatira sa bayan ng Itbayat matapos ang naranasang magkasunod na lindol nitong nakalipas na linggo.

Ayon kay Roldan Esdicul, head ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC), mula sa kabuuang 805 na pamilya na lumipat sa evacuation center matapos ang lindol, 266 na lamang ang naiwan sa tent plaza.

Karamihan aniya sa mga naiwan sa evacuation center ay totally damaged ang bahay kaya wala nang mababalikan.

Dahil dito, sinabi ni Esdicul na ang kanilang pangunahing tinututukan ay kung paano makapagpatayo ng pansamantalang tirahan para sa mga nasabing pamilya lalo na at nakakaranas na ng pag-ulan.

Samantala, inamin ng PDRRMC head na pansamantang naantala ang pagdating ng mga relief goods sa lugar dahil sa nararanasang sama ng panahon kung saan hindi makabiyahe ang mga bangka.

Ngunit sapat naman daw ang mga pangunahing pangangailangan ng mga evacuees sa lugar, maging ang mga gamot na naipapamahagi sa mga nagkakasakit.

Kaugnay nito, nanawagan si Esdicul sa mga nais magbahagi ng tulong na kung maaari ay huwag na munang pumunta sa Itbayat dahil sa pangamba ng aftershocks.

Aniya, sisiguraduhin ng kanilang tanggapan na maipapaabot ang kanilang mga tulong sa mga Ivatan.

Inihayag din ni Esdicol na maaring bukas, araw ng Lunes ay papasok na uli ang mga kabataan sa mga paaralan.

Bagama’t nasira rin kasi ng lindol ang kanilang paaralan, magpapatayo umano ang kanilang hanay ng tent na siyang gagamitin bilang temporary classroom.