-- Advertisements --

TACLOBAN CITY – Pahirapan pa rin para sa mga otoridad ang pag-apula sa nagpapatuloy na sunog sa kabundukang bahagi ng ilang barangay sa Marabut, Samar.

Ayon kay SFO2 Elmer Imperial, municipal fire marshal ng Marabut, mahigit na isang linggo na ay hindi pa rin maapula ang wildfire kung saan sa ngayon ay mahigit 20 ektarya na ng bukid ang apektado.

Dagdag pa nito na nasa mataas na bahagi na ng bundok ang apoy kaya hindi na kayang madaanan at maabot ng kanilang mga fire truck.

Mabilis din ang pagkalat ng apoy sa bukid dahil sa hangin at mainit na panahon.

Sa ngayon ay patuloy ang kanilang pagbabantay dahil sa posibilidad ng paglaki ng apoy at maapektuhan ang mga kabahayan na malapit sa naturang bundok.

Nabatid na ang isinagawang kaingin ang isa sa tinitingnang dahilan ng wildfire.