-- Advertisements --

Nakatakdang pag-usapan ng National Task Force (NTF) Against COVID-19 (Coronavirus Disease 2019) ang tungkol sa posibilidad na magpatupad ng restrictions o paghihipit hinggil sa inaasahang pagbiyahe sa iba’t ibang probinsya.

Ito’y habang nalalapit ang Holy Week na magsisimula sa darating na March 28, Linggo ng Palaspas, sa gitna ng mas paglobo ng mga bagong kaso ng deadly COVID.

Ayon kay Interior Undersecretary Jonathan Malaya, batid nitong nakagawian na ng mga Pinoy mula sa Metro Manila ang pag-uwi sa kani-kanilang probinsya tuwing Holy Week pero tiyak na mas pampadagdag lamang ito sa COVID cases sa bansa.

‘Yan ang pag-uusapan namin bukas. Kasi kung magdedesisyon ang IATF and the NTF na maghigpit, wala tayong choice kundi maghigpit para mag-stay at home na muna ang ating mga kababayan ngayong panahon ng pagtataas ng kaso up to the Holy Week period,” ani Malaya.

Tila hindi naman aniya magpapatupad ng lockdown nationwide ang pamahalaan pero mas maigi kung maghahanda pa rin ang publiko.