-- Advertisements --

Nakalatag na ang seguridad na ipapatupad ng National Capital Region Police Office (NCRPO) para sa nalalapit na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte sa darating na July 22.

Ito’y bagama’t may mga gagawin pang “fine tuning” sa darating na Miyerkules kung saan magkakaroon ng conference ang Philippine National Police kasama ang iba’t-ibang stakeholders para plantsahin ang mga ilalatag na seguridad sa SONA.

Ayon kay NCRPO chief M/Gen. Guillermo Eleazar, magkakaroon din ng walk through sa venue kung saan pupuwesto ang mga militanteng grupo na magsasagawa ng kilos protesta.

Nasa 15,000 raleyista ang inaasahan ng NCRPO kaya nasa mahigit 12,500 police personnel kasama ang mga force multipliers ang ipakakalat sa buong Metro Manila kabilang na ang augmentation force mula sa Regions 3 at 4-A.

Ayon kay Eleazar, magtatalaga rin sila ng command post sa mga places of convergence at may mga tauhan din silang itatalaga sa mga lugar na maaaring pagdausan ng lightning rallies tulad ng US Embassy, Don Chino Roces Bridge sa Mendiola, Liwasang Bonifacio at iba pa.

Bukod pa iyan sa paligid ng Batasang Pambansa na siyang SONA venue.

Partikular sa kahabaan ng Commonwealth Avenue na siyang sentro ng mga aktibidad, tatauhan ng humigit-kumulang nasa 9,000 pulis mula sa Quezon City Police District at daragdagan pa ng ilang force multipliers

Tiniyak naman ni Eleazar na bagama’t all set na sila sa paghahanda, kailangan pa rin ng ibayong pakikipag-ugnayan upang masigurong magiging maayos at matiwasay ang pang-apat na SONA ni Digong.

Nilinaw naman ni Eleazar na wala silang namomonitor na banta sa seguridad.

Nakahanda rin ang NCRPO na tumugon sakaling may magtangka na magsagawa ng suicide bombing.