BAGUIO CITY – Kontrolado na ngayon ang malaking forest fire na sumunog sa malaking bahagi ng mga bundok sa bayan ng Kabayan sa Benguet kung saan tatlong barangays ang apektado.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Senior Fire Officer 4 Hilario Caniedo, OIC ng BFP-Kabayan, sinabi niyang patuloy din ang pag-imbestiga nila sa sanhi ng nasabing sunog na nagsimula pa noong February 11 sa Barangay Adaoay na kumalat sa forested area ng Barangay Anchukey at Barangay Kabayan Barrio.
Aniya, na-confine na ngayon sa iisang area ang sunog habang binabantayan nila ang paanan ng bundok dahil hindi nila mapuntahan ang nasabing area dahil masyadong mataas ito.
Sinabi rin niyang humigit-kumulang sa 150 ektarya ng mga bundok doon ang nasunog sa nasabing forest fire dahil sa bilis ng pagkalat nito.
Inamin pa ni SFO4 Caniedo na nagkukulang sila ng manpower at kagamitan sa pag-apula ng nasabing sunog kaya nagpatulong na sila sa pulisya.
Nagresulta aniya ang forest fire sa pagkasira ng mga taniman at mga agricultural projects kasama na ang isang lumang bahay na nagsisilbing resting area ng mga magsasaka.