ILOILO CITY – Patay ang isang taong gulang na sanggol sa Barangay Balcon Maravilla, Jordan, Guimaras, matapos aksidenteng napainom ng kanyang ina ng liniment oil.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Police Major Kenneth Bermejo, hepe ng Jordan Municipal Police Station, sinabi nito na nagising ang sanggol dahil sa sakit ng tiyan ngunit naalimpungatan umano ang ina kung kaya hindi nito napansin na liniment oil ang napainom sa kanyang anak sa halip na gamot sa sakit ng tiyan.
Dinala pa ang sanggol sa ospital ngunit makalipas ang isang oras, binawian rin ito ng buhay.
Kaagad na inilibing ang bangkay ng biktima matapos nagpositibo pa ito sa Coronavirus disease (COVID-19).
Napag-alamang kaarawan pa mismo ng bata ng mangyari ang naturang insidente.