Hawak na ng pulisya ang suspek na sinasabing gumahasa at pumatay sa isang taong gulang na sanggol na lalaki sa Lungsod ng Makati.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Makati police spokesperson Maj. Gideon Ines na lasing ang suspek na si Gerald Reparip, 27-anyos, nang madakip ng kanilang hanay nitong madaling araw.
“Siya ay dayo lang. Bisita nung tiyuhin ng biktima na galing trabaho sa Muntinlupa. Sila ay nag-inuman sa bahay (nung biktima). Ayon sa magulang, karga-karga pa raw (ng suspek) ‘yung bata at nilalambing pa. Kaya hindi raw niya sukat akalain na magagawa niya ‘yon,” ani Ines.
Batay sa ulat, natagpuan ng magulang na wala ng malay at saplot ang sanggol sa tinitirhan nilang abandonadong gusali sa Barangay Yakal.
Huli umanong namataan ang biktima kasama ang isang lalaki habang bumibili ng stick-o sa kapitbahay pasado alas-8:00 kagabi.
Matapos i-report ng magulang sa pulisya ay agad din itong isinugod sa Sta. Ana Hospital.
“Natagpuan (‘yung bata) sa abandonadong building. Sa 7th floor kung saan sila nakatira. Nakakita ng diapers yung imbestigador sa crime scene. Pagdating nila sa ospital, nakita nila ‘yung katawan nung bata na malaki ‘yung butas ng puwet. May mga pasa rin sa katawan, may dugo ‘yung ilong. May (indikasyon din) ng unto, lamog ‘yung ulo.”
Sa ngayon patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa kaso.
Inihahanda na rin ng Makati-Philippine National Police ang mga ebidensya para sa reklamong isasampa laban kay Reparip.
Sinabi naman ng suspek na lasing siya at ‘di matandaan ang nangyari. (with reports from Analy Soberano)