KALIBO, Aklan – Namatay habang ginagamot sa Aklan Cooperative Mission Hospital ang isang taong gulang na batang babae makaraang malunod sa kasagsagan ng pista ni San Juan de Bautista sa Sitio Baybay, Barangay Andagao sa bayan ng Kalibo.
Kinilala ang biktima na si Mary Majesty Mae Pinos at residente ng naturang lugar.
Batay sa paunang imbestigasyon ng Kalibo Police Station, habang nagkakasiyahan umano ang mga kaanak ng bata dakong alas-3:00 ng hapon ay bigla na lamang nawala ang biktima sa tabi ng kanyang mga magulang.
Kagaad umano nila itong hinanap at makaraan ang sampung minuto ay nakita na lamang ang biktima sa dalampasigan na hinahampas ng alon.
Binigyan ng paunang lunas ng naka-standby na rescue team ng Municipal Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO)-Kalibo ang bata habang isinusugod sa hospital.
Ngunit makaraan ang ilang minutong pag-revive sa kanya ng doktor ay kaagad din siyang binawian ng buhay.