LEGAZPI CITY – Hindi nawawalan ng pag-asa ang mga otoridad na mahanap ang katawan ng menor de edad na ilang araw nang nawawala matapos na anurin ng baha sa Irosin, Sorsogon.
Ayon kay Irosin Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) head Fritzie Michelena sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, wala pa ring resulta ang tatlong araw nang search and retrieval operation sa 10-anyos na bata.
Pinabulaanan naman nito ang lumutang na impormasyon na nakuha na umano ang katawan ng bata na nakaipit sa isang dikeng nasira sa Barangay Carriedo.
Ngayong araw muling magpapatuloy ang search and retrieval operation ng mga otoridad sa Juban katuwang ang Philippine Coast Guard.
Giit ni Michelena na hindi ititigil ang paghahanap ng team kahit katawan na lamang nito ang makuha.
Nawalan na rin ng pag-asa ang mga magulang ng bata na makuha itong buhay subalit hiling na makuha kahit katawan na lamang nito upang mabigyan ng maayos na libing.