(Update) BUTUAN CITY – Patuloy na biniberipika ng pulisya at militar kung bahagi ng isang private armed group ng isang politiko ang naarestong 10 armadong kalalakihan sa Barangay Maribujoc, bayan ng San Benito sa Surigao del Norte, kahapon ng umaga
Sa inilunsad na joint police at military operations, naaresto sina Angelito Alegre, Junreyper Parian, Eljim Lauro, Jonathan Compra, Eljhon Baradillo, Reil Larong, Fersan Romei, Jimmy Lauro, Jayson Tabian, at Jemimar Peruda.
Nakumpiska mula sa kanila ang 14 na mga armas na kinabibilangan ng siyam na caliber .38 revolvers, dalawang kalibre .45 na pistola, shotgun, uzi submachine gun, improvised caliber .22 rifle, dalawang hand grenades, at mga bala.
Ayon kay Police Regional Office-13 director Brig. Gen. Gilberto DC Cruz, walang naipresentang mga dokumento ang mga suspek bilang patunay na lisensyado ang mga nabanggit na armas.
Isinagawa ang operasyon ng mga tauhan ng Surigao del Norte 1st Provincial Mobile Force Company, 30th Infantry Battallion Philippine Army, at Task Force Siargao, matapos makatanggap ng tip mula sa concerned citizen sa nasabing lugar.