Asam ng Philippine Olympic Committee (POC) na makapagpadala ang bansa ng nasa 10 atleta para lumahok sa prestihiyosong 2020 Summer Olympics sa Tokyo, Japan.
Sa ngayon kasi ay dalawang Pinoy athletes pa lamang ang pasok na sa Olympics, sa katauhan nina Carlos Yulo ng gymnastics at ang pole vaulter na si EJ Obiena.
Ayon kay POC board member at Gymnastics president Cynthia Carrion-Norton, umaasa silang madaragdagan pa ang nasabing bilang lalo pa’t sa Mayo ng susunod ng taon pa matatapos ang mga Olympic qualifiers.
Ilan sa mga kakatok pa sa pinto ng Olimpiyada sina 2016 Olympics silver medalist Hidilyn Diaz ng weightlifting, Kiyomi Watanabe ng judo, Margielyn Didal ng skateboarding, Nesthy Petecio at Eumir Marcial ng boxing, at ilan pang mga pambato ng bansa mula sa athletics, swimming, fencing, golf at taekwondo.
Sa panig naman ng Philippine Sports Commission (PSC), sinabi ni Marc Velasco, national training director ng Philippine Sports Institute (PSI), umaasa silang mapapanatili ng mga atletang Pinoy ang momentum sa Olympics mula sa kanilang tagumpay nitong nakalipas na 30th Southeast Asian Games.
Hindi rin aniya mawawala ang suportang ibibigay ng PSC sa mga qualified na atleta dahil sila rin ang sasagot sa pondo ng mga ito para sa kanilang pagsasanay sa ibayong dagat.
“(But now) ang Olympics is just six months away. At yung mga Pilipino, we’re still high on our success. So if we still have more athletes qualifying in the first quarter in the Olympics, tuluy-tuloy lang po ang suporta (ng PSC),” ani Velasco.