BUTUAN CITY – Patuloy pang ina-assess ng Bureau of Fire Station (BFP) Butuan sa kabuuang danyos matapos lamunin ng apoy ang 10 kabahayan sa may Brgy. San Ignacio nitong lungsod ng Butuan.
Ayon kay Butuan City Fire Marshal Fire Supt Rex Arvin Apalla sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan, nagsimula ang apoy pasado ala-1:10 ng hapon na narespondihan kaagad nila pagkalipas ng 15 minuto.
Base sa kanilang inisyal na pagsusuri, nagsimula ang apoy sa tahanan ni Christopher Ian Sataga at mabilis na kumalat sa iba pang kabahayan dahil sa malakas na ihip ng hangin at gawa pa sa light materials ang mga nasunog na kabahayan.
Kasama sa nasunog ang boarding house na pag-aari ng isang pulis at tinitirhan ni Gilbert Gargar at ng kanyang asawa na walang naisalba dahil sa sobrang bilis ng pagkalat ng apoy.
Napag-alamang on-duty siya sa optical clinic sa isang mall nang tawagan siya at ipina-alam na nasunog na ang kanilang tinirhan kung kaya’t wala na naabutan pa sa kanilang boarding house.
Ngunit mas masakit ang nangyari sa isa pang boarder na si Rizabelle Mercado na taga-Magallanes, Agusan del Norte na isang buwan pa lang na nagbo-board.
Kanyang inihayag na nag-duty siya sa mall nang tawagan at ipinaalam na nasunog na ang tinirhang boarding house rason na kasama sa na-abo ang itinago niyang P3,000 sweldo.