DAVAO CITY – Umakyat na sa sampu ang nasawi at umabot na sa 48 ang naiulat na nawawala sa landslide na naganap sa Zone 1, Barangay Masara, Maco, Davao de Oro.
Ito ay ayon sa pinakahuling datos ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO)-Maco.
Umabot sa 31 ang bilang ng mga nasugatan matapos ang landslide.
Samantala, aabot sa 758 pamilya mula sa mga karatig komunidad ang inilikas at nanatili sa mga evacuation center sa bayan ng Mawab, na pinakamalapit na bayan sa Maco.
Naka-standby ang mga rescue team mula sa 10ID, 1001st Brigade, 25IB, at 60IB sa iba’t ibang lugar malapit sa incident site kung saan 14 na sasakyang militar ang ginagamit para sa karagdagang pwersa at para mapadali ang search and rescue operation.
May kabuuang 14 na sasakyang militar ang ipinadala sa lugar upang suportahan ang mga rescue operation at iba pang sasakyan mula sa iba’t ibang organisasyon at ahensya habang naka-standby ang mga heavy equipment mula sa Apex Mines para sa clearing operations.
Sa kabilang banda, naglunsad kahapon ng aerial inspection si Pangulong Bongbong Marcos sa lugar kung saan nangyari ang insidente.