-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Sampung barangay na mula sa iba’t ibang bayan sa Isabela ang nakatakdang alisin na sa red zone category may kaugnayan sa kaso ng African Swine Fever (ASF).

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Regional Executive Director Narciso Edillo ng Department of Agriculture (DA)-Region 2 na humupa na ang ASF na sakit ng mga baboy sa rehiyon matapos maitala ang huling kaso sa Raniag, Ramon, Isabela noong Abril 28.

Inihayag pa ni Edillo na kapag umabot ng apat na buwan na walang maitalang baboy na natamaan ng ASF ay maaari na muling mag-alaga ng mga baboy sa mga lugar na isinailalim sa red zones.

Irerekomenda aniya ng ahensya sa National Crisis Management Committee ang pag-alis na sa 10 barangay sa Isabela sa red zone category upang muling makapag-alaga ng baboy ang mga hog raisers sa mga nabanggit na lugar.

Sa ngayon aniya ay sapat ang tustos ng mga baboy sa rehiyon bagamat mahal ang presyo ng karne ng baboy.