-- Advertisements --

Kinumpirma ni Philippine National Police (PNP) chief police director Gen. Ronald Dela Rosa na nasa 10 batalyon ng Special Action Force (SAF) ang kanilang bubuuin batay na rin sa kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Gagamitin ang 10 batalyon para tugunan ang problema sa terorismo at sa komunistang New People’s Army (NPA).

Ayon sa PNP chief, inatasan siya ni Pangulong Duterte na dagdagan pa ng limang batalyon ang SAF troopers kung kaya muli silang magsasagawa ng recruitment.

Ito’y maliban pa sa halos nakompleto na nilang recruitment sa unang limang batalyon.

“Terorismo at problema sa NPA doon sila ifocus natin. Aside from the 5 battalions na pina paorganize sa atin ni presidente they are now, yung eecruitment is patapos na, nakukumpleto na yung five battalions and kagabi naman sinabihan naman ako niya na you form another five battalions so magdagdag ng 5 battalions na naman, SAF pa rin,” wika ni Dela Rosa.

Dagdag nito, ang nasa 5,000 bagong puwersa ng SAF ay para sa “all out war” ng pamahalaan laban sa NPA at terorismo.

Seryoso aniya ang pamahalaan para tapusin ang NPA at mga terorista na patuloy sa paghahasik ng karahasan sa bansa.