CENTRAL MINDANAO-Sumuko ang sampung mga miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa mga otoridad sa lalawigan ng Maguindanao.
Ang mga rebeldeng sumuko ay mga tauhan ni Kumander Bungos at Kumander Karialan ng BIFF na kumikilos sa bahagi ng Maguindanao at North Cotabato.
Ayon kay Mayor Datu Otho Montawal sa ilalim ng balik loob program ng LGU-Datu Montawal Maguindanao sampung BIFF ang nagpasyang sumuko sa pakipagtulungan ng 90th Infantry Battalion Philippine Army,PNP at 602nd Brigade.
Dala ng mga rebelde sa kanilang pagsuko ang sampung matataas na uri ng armas,mga bala at mga magazine.
Pormal namang tinanggap ni 602nd Brigade Commander Bregadier General Roberto Capulong kasama si 90th IB Commander Lieutenant Colonel Michael Maquilan at Datu Montawal Chief of Police,Captain Razul Pandulo ang mga sumukong BIFF.
Nangako naman ang mga rebelde na tutulong sa gobyerno sa sinusulong na kapayapaan at magbagong buhay kasama ang kanilang mga mahal na pamilya.
Inabot mismo ni Mayor Montawal ang cash assistance at tig isang sakong bigas sa sampung BIFF.
Hinikayat rin ni 602nd Brigade Commander B/Gen Roberto Capulong ang mga rebelde na nagtatago sa batas na magbalik loob na sa pamahalaan at mamuhay ng mapayapa.