Ipinag-utos na ni AFP chief of Staff Gen. Benjamin Madrigal sa militar sa Sulu at Tawi-Tawi na galugarin ang mga lugar sa posibilidad na dinala doon ang 10 Malaysians na dinukot noong nakaraang Martes sa Lahad Datu, Sabah, Malaysia.
Pero nilinaw ni Madrigal na hanggang sa ngayon wala pang kumpirmasyon kung nasa Sulu at Tawi Tawi na nga ang mga bihag.
Ayon kay Madrigal, batay sa nakuha nitong intelligence report ang dinukot na 10 Malaysians ay tinurn over lamang sa mga bandidong Abu Sayyaf at may grupong bandido mula sa Malaysia ang nasa likod nito.
Ayon sa chief of staff nakipag-ugnayan na sila sa kanilang Malaysian authorities hinggil dito.
Direktiba nito sa mga tropa na makipag-ugnayan sa Malaysian authorities para maiwasan ang ganitong mga insidente lalo na ang pagdukot ay nangyari sa Malaysian waters.
Giit naman ni Madrigal na mahigpit ang seguridad na ipinapatupad ng AFP lalo na sa border sa bahagi ng Southern Philippines.
Layon nito para maiwasan na may mga insidenteng pagdukot sa karagatan.
Sinisilip din ng AFP ngayon na posibleng maluwag ang seguridad na ipinapatupad ng Malaysian authorities sa kanilang karagatan kaya nagawang mandukot ng mga bandido.