MANILA – Aabot sa 10 pinaghihinalaang suspek ng iligal na droga ang naaresto mula sa magkakahiwalay na operasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Philippine National Police (PNP) sa Valenzuela City.
Ayon kay PDEA agent Joel Villorente, dalawang bahay sa kahabaan ng General T. De Leon Road, na nagsisilbi umanong drug den ang kanilang sinuyod nitong Sabado ng gabi.
Huli raw sa akto ang paggamit ng iligal na droga ng mga naarestong suspek.
Tinatayang P180,000 na halaga ng sinasabing shabu ang nasabat mula sa mga naaresto.
Nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga naarestong indibidwal.
Nagbabala naman ang hepe ng Valenzuela City Police na si Col. Ramchrisen Haveria laban sa mga residenteng masasangkot pa rin sa iligal na droga.