-- Advertisements --

KALIBO, Aklan – Bigo ang 10 may-ari ng mga establisiyemento sa Boracay na mapatigil ang pagtibag sa kanilang mga istraktura na sinimulang i-demolish noong nakaraang linggo matapos na hindi naglabas ang korte ng order for injunction na kanilang hinihingi.

Dahil dito, ipinagpatuloy ngayong araw ang demolisyon sa iba pang mga hotel at commercial establishments na lumabag sa easement law sa Bulabog Beach.

Sa isinagawang pagdinig, hindi pumayag ang Boracay Inter-Agency Task Force sa pangunguna ni BIARMG general manager Natividad Berdandino sa apelang gentleman’s agreement ni Atty. Salvador Paolo Panelo Jr. na ipatigil muna ang demolisyon sa loob ng limang araw habang dinidinig ang hiling na writ of preliminary injunction.

Subalit nanindigan si Berdandino na kailangang maging patas sa pagpapatupad ng anumang batas sa isla.

Ayon sa kanya sa 52 natukoy na non-compliant sa Bulabog area, ang 10 establishment owners na lamang ang hindi sumusunod sa utos na magsagawa ng self-demolition kahit na ang bahagi ng kanilang istraktura ay nakapaloob sa 30-meter easement.

Nabatid na noong Huwebes ay sinimulan ang pagtibag sa 10 istraktura, kung saan, bahagyang nagkaroon pa ng tensyon matapos na mapaso ang 20 araw na temporary restraining order (TRO) na ipinalabas ng Aklan Regional Trial Court Branch 7.