Hindi bababa sa 10 heinous crime convincts na nakalaya dahil sa good conduct time allowance (GCTA) ang agad na nagpahayag na sumuko para ipa-recompute ang kanilang GCTA.
Ito ang kinumpirma ngayon ni Justice Sec. Menardo Guevarra sa pagbubukas ng ikatlong araw ng Senate hearing tungkol sa implementasyon ng kontrobersyal na batas.
Ayon kay Guevarra patuloy na bina-validate ng kanilang hanay ang ulat matapos bigyan ng palugit ni Pangulong Rodrigo Duterte kagabi ang higit 1,700 na napalayang heinous crime convincts na sumuko sa loob ng 15 araw.
Agad umanong itu-turn over sa Bureau of Corrections ang mga susuko na napalayang convicts oras na magboluntaryo o maaresto muli ng PNP.
Samantala, no show naman ang sinibak na BuCor director general Nicanor Faeldon sa kabila ng subpoena sa kanya ng Senado.
Ayon kay Committee on Justice chair Sen. Richard Gordon nakiusap si Faeldon sa pamamagitan ng abogado nito para hindi na humarap sa mga susunod na hearing sa pamamagitan ng text message.
Dahil dito, nagisa tuloy ang mga opisyal ng BuCor dahil sa minadali umanong release ng 44 na convicts noong Agosto.
Inamin ng direktor ng BuCor Directorate for Reformation na si Chief Supt. Maria Fe Marquez, pinirmahan niya ang memorandum of release ng mga napalaya dahil nasa Sablayan prison noon si Faeldon.
Napilitan daw siyang pirmahan ito dahil sa takot na baka maparusahan ng arbitrary detention.
Bagay na kinuwestyon ni Sen. Panfilo Lacson dahil trabaho umano ni Faeldon bilang director general na pirmahan at suriin ang listahan ng mga presong nakatakdang lumaya.
Hindi rin umano maituturing na legal ang “verbal” na pagbawi rito ni Faeldon dahil opisyal na dokumento itong pinirmahan.