Kinumpirma ng pamunuan ng Philippine Marines (PM) na inilipat sa kanilang kustodiya ang 10 high-profile inmates ng New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City.
Ayon kay Philippine Marine Corps Spokesperson Capt. Felix Serapio Jr., nuong June 12,2019 ng ilipat mula sa NBP patungo sa Philippine Marine Corps Barracks Rudiardo Brown sa Fort Bonifacio, Taguig City ang 10 preso.
Kabilang sa mga inilipat si Wu Tuan Yuan alyas Peter Co.
Si Co ay nahatulan ng habambuhay na pagkakakulong dahil sa kasong illegal drug trade noong 2001.
Isa din siya sa pinangalanan ni Pang. Duterte bilang isa sa mga top drug lords na nagsu-supply ng shabu sa China at Pilipinas.
Kasama rin sa mga inilipat sa Philippine Marines ay sina:
Vicente Sy, Hanz Tan, Jose Chua, Froilan Trestiza, Jojo Baligad, Allan Sinugat, Nonito Arile, Joel Capones at Rico Caja.
Ang mga nasabing inmates ay nahatulan dahil sa iba’t ibang kaso.
Sina Peter Co at Vicente Sy ay kabilang sa tinaguriang Bilibid 19.
Ayon kay Capt. Serapio, inilipat sila dahil sa pinirmahang Memorandum of Agreement sa pagitan ng Department of Justice (DOJ) at Department of National Defense (DND).
Hindi na nagbigay pa ng detalye si Serapio kung ano ang naging dahilan sa paglipat ng mga ito.
Kasalukuyang nakakulong sa Philippine Marines detention facility ang 10 high profile inmates.
Nilinaw naman ni Serapio na kahit nasa Marine facility ang mga preao ang Bureau of Corrections pa rin may otoridad sa mga ito.
May mga Bucor personnel parin ang nagbabantay habang support group lamang ang Marines.