Nasa sampung katao na na ilegal na nagbebenta at gumagawa ng mga paputok mula sa lalawigan ng Bulacan ang arestado na ng pulisya.
Sa gitna pa rin ito ng naging direktiba ni Philippine National Police chief PGen. Rodolfo Azurin Jr. sa buong hanay ng kapulisan na magsagawa ng mga operasyon laban sa mga illegal manufacturers, retailers, and dealers ng mga paputok.
Sa pagtatanong ng Bombo Radyo Philippines kay PNP-Firearms and Explosives Office acting chief PCol. Paul Kenneth Lucas, ay muli niyang iginiit na mahigpit na ipinagbabawal sa bansa ang pagbebenta o importasyon ng mga paputok na gawa sa ibang bansa.
Batay kasi sa pag-iikot ng Bombo Radyo sa ilang mga tindahan ng mga paputok ay nabanggit ng ilang mga tindera na ating napagtanungan na karamihan daw sa kanilang mga panindang paputok ay gawa sa ibang bansa atsaka ipapadala rito sa Pilipinas upang dito ibalot nang sa ganun ay lumabas na “made in the Philippines” ang mga ito.
Ayon kay Lucas, ang naturang gawain ay itinuturing pa rin na ilegal dahil ito aniya ay finished product pa rin mula sa ibang bansa katulad na lamang mga hindi lisensyadong gumagawa at nagbebenta ng mga paputok sa bansa.
Aniya, sa ngayon mayroon nang isinasawagang follow up operations ang mga Regional Civil Security Service Units partikular na sa ilang bahagi ng Region 3 at Region 7 sa Cebu ukol sa ganitong uri ng modus operandi ng mga smuggler ng mga paputok.
Kung maalala, batay sa Republic Act No. 7183, haharap ang sinumang lalabag sa naturang kautusan sa pagkakakulong ng hanggang isang taon o pagmumultahin ito ng hanggang Php30,000, o pareho depende sa magiging hatol ng korte.
Matatanggalan din ito ng lisensya o business permit, at kukumpiskahin din ng mga otoridad ang mga stock at paninda ng mga ito.