-- Advertisements --

Hindi pa makumpirma ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang report kaugnay sa pagkakadiskubre ng 10 Indonesian passports na narekober umano ng militar sa Marawi habang isinasagawa ang clearing operations.

Ayon kay AFP Spokesperson B/Gen. Restituto Padilla, wala pa silang report na nakukuha ukol dito bagama’t may mga narekober silang napakaraming dokumento mula sa teroristang grupo pero kailangan muna itong suriin ng mabuti.

Batay kasi sa initial findings ng mga otoridad sa Marawi, kabilang sa mga narekober ng militar ang passport ng ilang Indonesian nationals.

Aminado si Padilla na may mga Indonesian at Malaysian terrorists ang nakakasama ng Maute at ilang mga taga-Middle East.

Pero hindi naman masabi ni Padilla kung ilan sa mga banyagang terorista ang nasa Marawi ngayon.

“Maaari isa po yan sa mga naging findings pero alamin po natin at kung makakuha tayo agad ng report na yan ay pwede po natin i confirm yan. Maaari po at maliwanag naman sa ating mga initial findings na meron po talaga na nasa loob pero ang eksaktong bilang ay hindi pa natin batid, pero nakaka siguro tayo na may mga indonesians dyn may malaysians at may mga taga gitnang silangan,” pahayag ni Padilla.