NAGA CITY – Dinayo ng mahigit 10,000 mga deboto ang isinagawang Via Crusis nitong Martes ng hapon sa bayan ng Lagonoy, Camarines Sur.
Mula sa Saints Philip and James the Apostles Parish sa Barangay Sta. Maria nilalakad ng mga deboto ang halos tatlong kilometro paakyat sa bundok na bahagi ng Barangay San Isidro habang pasan ng 50 katao ang isang malaking krus.
May 20 talampakan ang taas ng krus habang walong talampakan naman ang nakadipang bahagi ng krus.
Gawa umano sa 10 kawayan ang patayong bahagi ng krus habang sampu namang kawayan sa padipang bahagi nito.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga sa isang deboto na kinilalang si Rinner Rivero, dalawang oras umanong nilalakad ng mga tao ang lugar kung saan dumadaan pa sa ilog bago tuluyang makarating sa tuktok ng Sitio Canomoy, Barangay San Isidro kung saan pipanatayo ang krus.
Ayon kay Rivero taun-taon ay dumadagdag umano ang sumasama sa nasabing prosisyon dahil na rin sa paniniwala ng mga deboto sa milagrong dala ng pakikiisa sa nasabing aktibidad.
Taong 2000 nang magsimula ang nasabing aktibidad sa lugar na pinangunahan ni Fr. Wilfred Almoleda.