LEGAZPI CITY- Darating na sa Bicol region ngayong linggo ang alokasyon na nasa 10, 000 doses ng bakunang gawa ng kompanyang Sinovac ng China.
Ayon sa kumpirmasyon ng Department of Health Bicol, nasa 5, 000 katao ang mabebenepisyuhan ng paunang alokasyon.
Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay DOH Bicol COVID vaccine coordinator Dr. Rita Ang-Bon, unang tatanggap ng alokasyon ang apat na pilot hospital sa rehiyon kabilang na ang Bicol Regional Training and Teaching Hospital sa Legazpi City; Bicol Medical Center at Naga Imaging Center Cooperative Doctors Hospital sa Naga City; at Bicol Region General Hospital and Geriatric Medical Center sa Cabusao, Camarines Sur.
Matapos na mai-deliver ang bakuna sa Bicol, agad itong dadalhin sa storage facility sa Legazpi City saka ita-transfer sa mga nasabing ospital.
Ayon pa kay Bon, wala pang eksaktong petsa sa delivery subalit posible itong dumating sa weekend na agad naman na ipapamahagi sa mga doktor at health workers sa mga nasabing ospital na edad 18 hanggang 59-anyos.