-- Advertisements --
Miss Earth Phils 2019
MIss Earth Philippines/ FB photo

NAGA CITY – Bumisita ang 10 kandidata ng Miss Earth Philippines 2019 sa lalawigan ng Camarines Sur.

Partikular na pinuntahan ng mga kandidata ang bayan ng Pili, Sipocot at Tigaon.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Architect Florencio Cayrel, chairperson ng United Architect of the Philippines Manila Archizonian na ang grupong nanguna para makarating sa lalawigan ang mga kandidata, naging sentro umano ng aktibidad na nilahukan ng mga ito ay ang tree planting, feeding program at pamimigay ng mga aklat sa mga mag-aaral sa Sipocot North Elementary School.

Sampu lamang mula sa 41 kandidata ang ipinadala sa lalawigan dahil hinati-hati na lamang umano ang mga ito upang maikot ang ilang lugar sa bansa bago ang inaabangang coronation night sa darating na Hulyo.

Kabilang sa mga nakarating sa Camarines Sur ay ang mga nagagandahang dalaga mula sa Iloilo, Nueva Ecija, Zambales, Romblon, Fil-Italy, Fil-Germany at Naga City.

Masaya naman na ibinahagi ni Cristialyn Moreno mula Naga City na tanging siya lamang ang kandidata mula sa rehiyong Bikol.

Mula pa umano noon gustong gusto niya nang sumali sa Miss Earth Philippines dahil malapit sa kanyang puso ang mga advocacy ng organisasyon patungkol sa pangangalaga ng kapaligiran.

Kaugnay nito, nanawagan ng suporta si Moreno mula sa kanyang mga kababayan sa Bicol.