-- Advertisements --
cavite baha

Sampu katao ang naitalang patay ng mga kinauukulan sa probinsya ng Cavite. Ito ay matapos ang naging pananalasa ng bagyong Paeng sa ilang bahagi ng nasabing lalawigan.

Sa panayam kay PCol. Christopher Olazo, ang officer in charge ng Cavite Provincial Police Office, sinabi niya na ilan sa mga dahilan ng pagkasawi ng mga ito ay pagkalunod sa mataas na baha habang ang iba naman ay nakuryente at may isa naman ang inatake sa puso.

Sa kabila kasi aniya ng kanilang puspusang paghahanda laban sa posibleng maging epekto ng nasabing bagyo ay ikinabigla pa rin nila ang biglang pagtaas ng tubig sa lugar na may lalim na 10ft o lagpas tao.

Ito ay matapos masira ang river wall o breakwater sa lugar gayundin ang pag-apaw ng tubig sa ilog kasabay ng high tide noong kasagsagan ng bagyong Paeng.

Samantala, sa ngayon ay nasa 1,200 na mga pamilya pa rin ang nananatili sa mga evacuation centers sa walong bayan sa Cavite na inaasahan naman aniyang magsisibalikan na rin sa kani-kanilqng mga tahanan sa lalong madaling panahon kapag wala nang banta pa sa kanilang lugar.

Hanggang sa kasalukuyan ay nagpapatuloy pa rin naman aniya ang pagpupulong at koordinasyon ng mga lokal na opisyal ng Cavite bilang pagtugon pa rin dito sa naging epekto ng pananalasa ng bagyong Paeng.