Lalo pang dumami ang bilang ng mga baybayin sa buong Pilipinas na nagpositibo sa red tide toxin, batay sa pinakahuling ulat ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources.
Ayon sa ahensiya, sampung coastal waters na ang kontaminado ng red tide na lagpas sa regulatory limit.
Kinabibilangan ito ng mga sumusunod: Dumanquillas Bay sa Zamboanga Del Sur; Coastal Waters ng San Benito sa Surigao Del Norte; Coastal Waters ng Daram Island, Zumarraga Island, at Cambatutay Bay sa Samar; Matarinao Bay sa Eastern Samar; Cancabato Bay sa Leyte; at Coastal Waters ng Tungawan sa Zamboanga Sibugay Province.
Ang dalawang pinakabagong nadagdag sa listahan ay ang Irong-Irong Bay at Villareal Bay sa Samar.
Nitong buwan ng Hulyo, apat lamang ang natukoy na apektado ng red tide na kinabibilangan ng mga coastal waters Dauis at Tagbilaran City sa Bohol, Dumanguillas Bay sa Zamboanga Del Sur at coastal waters ng San Benito sa Surigao Del Norte.
Samantala, mahigpit na ipinapaalala ng BFAR ang pagbabawal sa pagkuha o paghango at pagbebenta at pagkain ng mga shellfish at alamang mula sa mga naturang karagatan dahil sa apektado ang mga ito sa nakamamatay na red tide.