BUTUAN CITY – Hindi bababa sa 10 mga lugar sa Dinagat Islands Province, kasama na ang provincial capitol, ang connected na sa libreng Wi-Fi dahil sa ipinatupad na Wi-Fi for All–Free Public Internet Access Program.
Ayon sa Department of Information and Communications Technology (DICT) Mindanao Cluster 2, maliban sa capitol, binigyan din ng internet access ang mga municipal halls sa mga bayan ng Basilisa, Dinagat, Cagdianao, Libjo, Loreto, San Jose, at Tubajon pati na ang annex building ng Tag-Abaca National High School sa bayan ng Basilisa; pati na ang DICT Dinagat field office.
Dagdag na mga sites pa ang lalagyan ng libreng Wi-Fi access dahil itutuloy na ng DICT ang rollout sa proyekto.
Layunin nito na mapabilis ang mga online transactions ng local government units at mabigyan ng mga oportunidad, edukasyon, impormasyon at abilidad sa pagsali sa lumalaking digital economy sa pampublikong lugar sa buong bansa.