Determinado ang National Task Force (NTF) against COVID-19 na makamit ang 10 million jabs ngayong buwan ng July.
Ayon kay NTF chief implementer at vaccine czar Secretary Carlito Galvez Jr., ang task force sa pakikipag-ugnayan sa mga local government units (LGUs) at private sector nais makamit ang 10 million jabs ngayong buwan kung saan kalahati ay inilaan para sa second dose ng bakuna.
Sinabi ni Galvez nasa 4.54 percent pa lamang ng populasyon ng bansa ang nakakuha ng second dose o fully vaccinated, kaya napakalaki pa ng hamon ng pamahalaan para makuha ‘yong herd immunity sa katapusan ng kasalukuyang taon.
Batay sa datos ng NTF, as of July 11, nasa kabuuang 13,196,282 jabs na ang na-administered nationwide.
Mahigit 9.6 million na mga Pilipino ang nakatanggap ng first dose habang nasa 3.5 million pa ang naka iskedyul na mabigyan ng second shot.
Nais makamit ng NTF na ma-fully vaccinate ang lahat ng healthcare workers ngayong buwan.
Mahigpit naman na mino-monitor ng National Vaccination and Operations Center (NVOC) ang administration ng second dose, kasama na ang deployment ng mga vaccine sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Binigyang-diin ng Department of Health and infectious disease experts ang kahalagahan ng pagkakaroon ng dalawang doses ng bakuna dahil mabibigyan ng full protection ang isang indibidwal laban sa COVID-19 at sa iba’t ibang variant.
Sinabi ni Galvez na sa pagdating ng mahigit 16 million doses ng anti-COVID vaccines ngayong buwan, kabilang na ang 3 million one-shot Johnson & Johnson vaccines mula sa COVAX facility at US government, kumpiyansa ito na bago magtapos ang buwan ng July ay mababakunahan na ang nasa 7 to 8 million na mga Filipinos.
“Kaya po alam po natin na kayang-kaya natin [maabot ang target]. Ngayon po tutulong din po ang private sector sa kanilang inoculation dahil kasi mayroon pong darating na more or less 1.5 million [doses] na para sa kanila kasama po ang Moderna,” pahayag ni Galvez.