LEGAZPI CITY- Malaki ang pasasalamat ng ilang mga mangingisda mula sa island municipality sa Albay sa umanoy pangalawang buhay na ibinigay sakanila matapos makauwi ng ligtas nang abutan ng bagyong Quinta sa karagatan.
Nabatid na pumalaot ang mga ito noong nakaraang Biyernes at hindi inakalang aabutan ng hagupit ng naturang sama ng panahon habang nasa laot.
Una nang nailigtas sina Rico Alamil, Michael Loyola Bilon, at Jessie Adornado matapos mapadpad sa Northern Samar ang bangkang sinasakyan ng mga ito.
Ayon kay Rapu-Rapu Mayor Ronald Galicia, ligtas ring nakauwi ngayong araw sina Athony Alamil at Ali Bradesena matapos magpalipas ng gabi sa isang isla kung saan inabutan ng malalakas na alon ng karagatan.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Athony, labis na pangamba ang kanilang naramdaman at nagawa pang ipampalit ng krudo ang nahuling mga isda upang makauwi sa naturang bayan.
Sa pakikipag-ugnayan naman sa mga lokal na opisyal ng Barangay Buhatan, nabatid na nakauwi na rin ang lima pa nitong mga kasamahan na una nang naipaulat na nawawala.