Tanging sampung matataas na opisyal na lamang ng pulisya ang hindi pa nagsusumite ng kanilang courtesy resignation, ayon kay Philippine National Police – Public Information Office chief Police Colonel Red Maranan.
Ayon kay Maranan, sa bilang na ito, tatlo ang heneral habang pito ang police colonels na hindi pa nagsusumite habang ang kabuuang bilang naman ng mga nag-sumite ay 941 out of 951 officials.
Kung matatandaan, sa unang bahagi ng buwang ito, hiniling ni Interior Secretary Benhur Abalos sa mga heneral at full colonel sa PNP na magsumite ng kanilang courtesy resignation bilang bahagi ng pagsisikap ng gobyerno na alisin sa puwersa ng pulisya ang mga opisyal na sangkot sa illegal drug trade.
Dagdag dito, maghihintay hanggang Enero 31 si PNP chief Police General Rodolfo Azurin Jr. para sa lahat ng matataas na opisyal na maghain ng kanilang courtesy resignation.
Sinabi ni Maranan na nauunawaan ng PNP na maaaring kailanganin ng ilang opisyal ng ilang oras upang magdesisyon kung maghain o hindi ng kanilang pagbibitiw.
Kaugnay niyan, nauna nang sinabi ni Abalos na ang evaluation at assessment ng courtesy resignation ng komite ay dapat matapos sa loob ng dalawang buwan.
Pagkatapos ng deadline ng Enero 31, sisimulan na ng komite ang pagsusuri at pagtatasa ng courtesy resignations na inihain ng mga PNP officials.