CENTRAL MINDANAO – Sampung mga miyembro ng tinaguriang private armed groups (PAGs) ang sumuko sa pulisya sa Cotabato City.
Ang grupo ay pinangungunahan ni Andih Anso, mga tauhan ng dating alkalde sa Maguindanao na kabilang umano sa listahan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga “narco-politicians.”
Sumuko si Anso at siyam niyang mga kasamahan sa Criminal Investigation and Detection Group-Bangsamoro Autonomous Region (CIDG-BAR).
Dala sa pagsuko ng mga rebelde ang mga matataas na uri ng armas, mga bala at magazine.
Pormal namang tinanggap ni CIDG director Major General Albert Ignatius Ferro ang 10 mga PAGs.
Sumuko ang grupo ni Anso matapos makumbinsi ng mga opisyales ng CIDG-Bangsamoro Autonomous Region na sina Major Esmael Madin at Col. Tom Tuzon at si Lt. Col. Cyrus Belarmino na provincial officer ng CIDG sa Zamboanga del Sur para makapagbagong buhay.
Nais na rin nilang magbagong buhay at nilinaw na hindi sila sangkot sa anumang kremin.
Sinabi ni Major Gen. Ferro, sina Anso at ang kanyang mga kasama ay dating tauhan ng isang mayor sa Maguindanao na napatay ng mga pulis, dahil nanlaban umano sa isang anti-narcotics operation sa Cotabato City, na tatlong taon na ang nakakalipas.
Sa ngayon ay nasa pangangalaga ng CIDG-BAR ang grupo ni Anso.