ILOILO CITY – Patuloy pa ang ginagawang imbestigasyon ng Philippine National Police kaugnay sa mga ninja cops na umano’y may kaugnayan sa pag-recycle at pagbenta ng illegal na droga sa Western Visayas.
Sa panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Police Brigadier General Leo Francisco, director ng Police Regional Office 6, sinabi nito na may 10 mga police personnel na itinuturong may kauganyan sa illegal na aktibidad kung saan ang iba sa mga ito ay matataas na opisyal pa.
Ayon kay Francisco, ang sinumang pulis na mapatunayang guilty ay mahaharap sa kasong kriminal at administratibo.
Tiniyak naman nito na patuloy ang ginagawang hakbang ng kanilang counter intelligence laban sa mga ninja cops.
Bahagi rin anya ito ng kanilang internal cleansing sa Philippine National Police.