Nahatulang guilty sa korte ang 10 miyembro ng Aegis Juris fraternity na siyang nasa likod ng pagkasawi ni Horacio “Atio” Castillo III.
Ang freshman law student ng University of Santo Tomas (UST) ay nasawi dahil sa labis na pagkakabugbog sa katawan nito sa isinagawang hazing ng fraternity noong 2017.
Kinilala ang mga napatunayang “guilty beyond reasonable doubt” ng Manila Regional Trial Court Branch 11 sina Marcelino Bagtang Jr, Danielle Hans Matthew Rodrigo, Jose Miguel Salamat, John Robin Ramos, Ralph Trangia, Joshua Joriel Macabali, Oliver John Audrey Onofre, Arvin Rivera Balag, Mhin Wei Chan at Axel Munro Hipe.
Ang nasabing mga 10 katao ay hinatulang makulong ng reclusion perpetua o pagkakakulong ng hanggang 40 taon.
Inatasan din ng korte na magbayad ang mga ito sa naulila ni Castillo ng P461,800 para sa actual expenses, P75,000 bilang civil indemnity, P75,000 bilang moral damages at P75,000 bilang exemplary damages.
Ang nasabing halaga ay kikita ng interest rate ng 6% per annum hanggang maisapinal ang decision at ito ay mabayaran ng buo.
Mula pa noong Mayo 2018 ay nakakulong na ang 10 akusado sa Manila City Jail.
Ang unang paghatol ay naganap noong 2019 kung saan si John Paul Solano na siyang nagdala kay Castillo sa Chinese General Hospital ay napatunayang guilty ng obstruction of justice ng Manila Metropolitan Court Branch 14 na siya ay hinatulang makulong ng hanggang apat na taon.
Magugunitang noong Setyembre 16, 2017 ng pumasok sa fraterntiy si Castillo.
Isinagawa ang initation rites sa Sampaloc, Manila kung saan kinabukasan ay nasawi ito dahil sa hindi na nakayanan ng katawan nito ang mga pasa sa katawan.
Nagsinungaling si Solano sa mga kapulisan kung saan sinabi niya na nakita lamang nito ang biktima sa gilid ng kalsada na nakabalot ng kumot.
Nagsagawa pa ng pagdinig sa senado ukkol sa insidente kung saan pinatawag ang ilang mga miyembro ng Aegis Juris at UST Law Dean Nilo Divina.
Noong 2022 ng naghain ng petisyon sa korte ang 10 suspek na sinasabing walang sapat na ebidensiya ang piskalya at namatay si Castillo dahil sa atake sa puso.
Subalit ibinasura ng korte sa Manila ang petition dahil sa “lack of merit” at noong Oktubre 2,2023 ng ibinasura rin ng Court of Appeals ang petition for review na inihain ng isa sa mga fraternity members na sangkot sa hazing kay Castillo.
Dahil na rin sa insident ay naisabatas ang Republic Act 11053 o ang Anti-Hazing Law ng 2018 na isang revision ng RA 8049 na ipinatupad noong 1995.
Sa nasabing bagong batas ay may mabigat na kaparusan na pagkakakulong mula 12 hanggang 17 taon at pagbabayad ng multa ng hanggang P1-milyon sa mga participating officers at miyembro ng fraternity, sorority o organisasyon kapag napatunayang guilty.
Bagamat nabunutan ng tinik ang mga magulang ni Atio ay nais ng mga ito na mapanagot ang UST dahil umano sa kapabayaan sa mga paglaganap ng hazing sa mga fraternity.