-- Advertisements --

KORONADAL CITY — Umabot sa 10 miyembro ng rebeldeng New People’s Army o NPA na kinabibilangan ng mga guro ang boluntaryong sumuko sa gobyerno sa bayan ng Lebak sa Sultan Kudarat.

Sinabi ni Police Major Rodney Binoya, hepe ng Lebak PNP na aktibong miyembro ng Far South Mindanao Region (FSMR) Cherry Mobile Platoon ang mga sumukong rebelde.

Ayon kay Binoya, sumuko ang mga ito dahil wala na silang mapupuntahan matapos na napako ang mga pangako ng kanilang mga lider.t dahil na rin sa pagod na umano sila sa pakikipaglaban sa gobyerno.

Kinumpirma din ni Binoya na mga guro na impluwensiyado ng mga NPA sa mga bulubunduking bahagi ng lalawigan ang kabilang sa mga sumuko.

Agad namang nakatanggap ng financial assistance mula sa gobyerno ang mga sumuko sa ilalim ng End Local Communist Armed Conflict program bilang kapalit sa armas na bitbit ng mga ito sa kanilang pagsuko.

Isinailalim na rin sa debriefing ang sampung sumukong NPA na nasa pangangalaga ng pulisya.