BAGUIO CITY – Nahaharap na ngayon sa kasong paglabag sa Republic Act 9208 o ng Anti-Trafficking in Persons Act of 2012 ang dalawang lalaki habang nasagip naman mula sa human trafficking ang 10 na kababaihan.
Kasunod ito ng isinagawang pagsalakay kagabi sa isang bar sa Marcos Highway na nagsisilbing prostitution den.
Una rito, nakatanggap ang mga operatiba ng Regional Special Operations Group ng Police Regional Office Cordillera ng reklamo ukol sa prostitusyon o pagbubugaw na nangyayari sa nasabing bar.
Agad nagsagawa ang mga operatiba ng surveillance at doon napatunayan ang reklamo.
Dahil dito, nakipag-ugnayan ang mga ito sa iba pang yunit ng pulisya at sa mga social workers ng DSWD para sa ikakasang pagsalakay sa nasabing bar.
Sa isinagawang operasyon, nasagip ang 10 na mga kababaihan na edad 26-40 na nagtatrabaho doon bilang waitress, entertainer, dancer at cook, kung saan nagmula ang mga ito sa Bicol, Caloocan City, Cavite, Rizal, Manila, Sorsogon, Lanao Del Norte at Quezon City.
Nahuli naman sa operasyon ang bar manager na si Louie Macatuno Jamora, 33-anyos, tubo ng Las Piñas City at residente ng Baguio City at ang wardrobe plantsadora ng bar na si Roldan De La Cruz Mangila, 38-anyos, tubo ng Caloocan City at residente ng Baguio City.
Isinabay na rin sa nasabing pagsalakay ang Oplan Bakal-Sita sa mga kustomer ng nasabing bar.
Pagkatapos ng operasyon, dinala ang mga entertainers at nahuling mga kalalakihan sa himpilan ng pulisya kung saan isinailalim sa counselling ng DSWD ang mga nasabing kababaihan.