(Update) LEGAZPI CITY – Umakyat na sa 10 katao ang naitalang patay sa nangyaring pagkahulog ng isang modified passenger jeepney sa bangin sa Sitio Hulandig, Brgy. San Jose, Libon, Albay kahapon.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Maj. Ryan Atanacio, hepe ng Libon Municipal Police, maliban sa mga namatay marami naman ang nasugatan kung saan anim ang nasa kritikal na sitwasyon na nananatili pa rin sa ospital.
Ayon kay Atanacio, nawalan ng preno ang dilaw na jeep na minamaneho ni Rolando Olade ng Barangay Caguscos, Libon sakay ang 17 pasahero kabilang na ang konduktor na si Jimmy Satiochia saka nahulog sa 159 feet na lalim na bangin habang binabagtas ang pakurbang bahagi ng highway.
Sinabi ng hepe, hindi naman masasabing overloaded ang jeep dahil modified ito.
Ang tanging dahilan umano ng aksidente ay ang pagkawala ng preno ng jeep na napag-alamang mula sa Barangay Pantao papuntang Poblacion.
Kabilang sa mga nasawi sina Ma. Suelo Bagolbagol ng Barangay Zone 4, Libon; Ericka Potencio Briones, 18, ng Taguig City; Carlo Custodio Carredo ng Camaligan, Camarines Sur; Marivic Buendia, 46, ng San Agustin, Libon; Delia Armillo Pintor ng Macabugos, Libon; Lolita Bonaobra, 60, ng Tabaco City; Jonnel Potencio Briones, 26; Teodora Rima, 55, at Ma. May Rima, 15, na nagmula sa Maramba, Oas.
Nabatid na kasamang biktima ang apat na guro na kagagaling lamang sa Brigada Eskwela habang kagabi pumanaw na rin sa pagamutan si Lina Butor.
Batay sa inisyal na imbestigasyon, napag-alamang tumalon ang driver ng maramdamang nawalan ng preno ang sasakyan bago pa man ito mahulog sa bangin.
Samantala, dinala na rin sa kustodiya ng pulis ngayong umaga ang naturang driver na hinuli matapos na mabatid na nagpagamot sa ospital.
Dagdag pa ng hepe na kung mapatunayang may kapabayaan ang driver na si Olade, sasampahan ito ng kaukulang mga kaso oras na maaresto.