Isiniwalat ng 10 nasagip na Chinese nationals mula sa sinalakay na POGO hub na Lucky South 99 Outsourcing sa Porac, Pampanga noong Hunyo na kinidnap sila at pinilit na magtrabaho.
Inakusahan rin ng mga ito sina Cassandra Li Ong, ang authorized representative ng Lucky South 99 at 53 iba pa ng trafficking at pagpwersa sa kanilang magtrabaho sa ilegal na POGO.
Ayon kay Bulacan Provincial Prosecutor Ramoncito Ocampo, kabilang ang 10 Chinese nationals sa mga dayuhan na naging biktima ng human trafficking sa Lucky South 99.
Aniya, isa sa mga Chinese nationals ang pinahiraman ng P450,000 at nagsugal ng 3 gabi sa paglalaro ng mahjong. Nang hindi ito makabayad ng kaniyang inutang, dinala ito direkta sa Lucky South 99.
Gayundin, sinabi ni Prosecutor James Escalona na ang mga biktima ng trafficking scheme ay dinadala sa POGO para magtrabaho at mabayaran ang kanilang mga utang sa casino.
Pinangakuan din umano ang mga biktima na papalayain sila sa oras na mabayaran na nila ng buo ang kanilang utang subalit nang malapit na nilang mabayaran ang kanilang natitirang utang, ibinenta sila sa ibang POGO.
Pwersahan aniyang pinagtratrabaho ang mga biktima ng 15 hanggang 18 oras kada araw para patakbuhin ang online o mobile phone scams at kung hindi nila gawin ang kanilang trabaho, sila ay totorturin. Kapag tatangkain naman nilang tumakas at mahuli kalaunan, masaklap ang kanilang dadanasin.
Una rito, nitong Martes, kabilang ang nasabing mga biktima at ang PAOCC at PNP sa mga complainant sa inihaing non-bailable offense na qualified human trafficking sa Department of Justice laban kina Cassandra Li Ong, Duanren Wu na sinasabing big boss o executive ng Whirlwind Corporation na nagpaupa ng lupa sa Lucky South 99 at iba pang mga incorporator.