-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO-Pagod na at gustong mamuhay ng mapayapa ng sampung mga myembro ng New Peoples Army (NPA) na sumuko sa militar sa Maguindanao.

Ayon kay 6th Infantry (Kampilan) Division Spokesman,Major Arvin Encinas na sumuko ang 10 NPA sa pwersa ng Marine Battalion Landing Team (MBLT-7) sa North Upi Maguindanao.

Mismo ang mga Barangay at mga opisyal ng bayan ng North Upi sa pamumuno ni Mayor Ramon Piang at South Upi Mayor Reynalbert Insular ang tumulong para sumuko ang mga NPA sa MBLT-7 sa pangunguna ni Lt/Colonel Oliver Baylon.

Ang mga NPA ay pinangunahan ni Cesar Marcos Manguda alyas Kumander Amina Alas ng Cherry Mobile Platoon ng Guerilla Front Committee 73 na kumikilos sa bahagi ng Lebak,Kalamansig Sultan Kudarat at hangganan ng Maguindanao.

Isinuko ng mga rebelde ang dalawang AK-47 Rifles,isang M16 Armalite rifle,isang granada at mga bala.

Tatanggap naman ng tulong ang sampung NPA sa Enhance Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP) ng gobyerno.

Nagpasalamat naman si 6th ID Chief at Joint Task Force Central Commander,Major General Cirilito Sobejana sa mga opisyal ng bayan sa North at South Upi Maguindanao na nagtulungan sa pagsuko ng mga NPA.