-- Advertisements --
image 61

Nakauwi na ng ligtas ang kabuuang 10 overseas Filipino workers mula sa Lebanon sa gitna ng nagpapatuloy na tensiyon sa pagitan ng Israeli forces at militanteng Hezbollah.

Ayon kay Migrant Workers officer-in-charge Hans Leo Cacdac, ang 6 na OFWs na dumating sa Pilipinas kahapon ay ang ikalawang batch ng mga repatriate mula sa Lebanon.

Nasa 4 pang OFWs na humiling ng repatriation mula sa 26 na Pinoy workers sa West Bank ang kasalukuyan ng pinoproseso.

Iniulat din ng DMW official na mayroon ng 2 Pilipino na nakatawid mula sa West Bank patunon Allenby Border Crossing at kasalukuyang nasa Jordan na.

Inamin naman ni Cacdac na ilan sa mga kinakaharap na hamon sa pagpapauwi sa mga Pilipino ay ang kawalan ng flights at pagkaantala sa pagproseso ng mga dokumento.

Sa kabila nito, humahanap na aniya sila ng paraan para maisakay ang mga Pilipinong humiling ng repatriation.

Inaasahan naman aniya na darating sa araw ng Lunes ang bagong batch ng repatriates na binubuo ng 23 Pilipino mula sa Lebanon.