-- Advertisements --

Nasa 10 katao ang binawian ng buhay habang mahigit 100 ang sugatan matapos sumabog ang isang oil tanker truck sa isang highway sa China nitong Sabado.

Sa pahayag ng gobyerno sa social media, naging sanhi raw ang lakas ng pagsabog para gumuho ang kalapit na mga bahay at mga pabrika.

Namataan din ang maitim na usok mula sa pinangyarihan ng insidente malapit sa Wenling City sa probinsya ng Zhejiang, at nilamon din ng apoy ang ilang mga sasakyan.

Sa ilang mga video clips na lumabas, makikita ang pagtalsik ng malaking piraso ng debris bago tumama sa kalapit na mga gusali.

Sa pinakahuling ulat, nasa 10 na ang death toll habang 117 sugatan ang dinala na sa mga ospital.

Nagkukumahog din sa ngayon ang mga emergency responders para mailigtas ang mga na-trap na mga biktima.

Sinara na rin muna ang maraming mga highway exits, batay sa pahayag ng local police. (AFP)